Yaong Matatangkad na Tao sa Jupiter!

Ni Dirk Anderson

Artist Rendition of those tall people Mrs. White saw living on Jupiter
 

Isang pagsasalarawan ng nakita ni Gng. White sa itsura ng matatangkad at dakilang mga tao.

Noong 1846, si Gng. White ay nagkaroon ng “pangitain” tungkol sa solar system. Ang tagpong ito ay nasaksihan ni Gng. Truesdail, na isang maaasahan at masigasig na Adventist. Kanyang inilarawan kung paanong si Gng. White ay nakakita ng mga “matatangkad at mga dakilang tao” na naninirahan sa planetang Jupiter o Saturn. Ang sabi niya, 

“Hindi mabuti ang lagay ng kalusugan ni kapatid na White noong panahong iyon. Ngunit habang siya ay ipinapanalangin, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa amin. Nakita namin na siya’y nawalan ng kamalayan sa mga bagay ng mundong ito. Sa tagpong iyon ay nangyari ang kanyang unang pangitain tungkol sa mga planeta sa kalawakan. At matapos na kanyang malakas na bilangin ang mga buwan ng Jupiter at pati narin ang sa Saturn, nagbigay siya ng kakaibang paglalarawan tungkol sa napakagandang singsing ng planeta. Kanyang sinabi, “Ang mga naninirahan ay mga matatangkad at dakilang mga tao, na ibang-iba kaysa sa mga tao dito sa ating mundo. Ang kasalanan ay hindi nakapasok roon.”[1]

Subalit syempre, ang tanong mo agad ay: Ito ba ay totoo? Mayroon nga bang mga matatangkad at mga dakilang tao na naninirahan sa Jupiter o sa Saturn? Noong 1942, ang mananalaysay ng SDA na si A.W. Spalding ay nagsulat tungkol sa “pangitain” na ito. Ganito ang kanyang sinabi,

“Sa pangitain, si Gng. White ay inihatid sa mga planeta; at habang siya ay nagsasalita tungkol sa mga ito, sinabi ni Captain Bates, habang may ngiti sa kanyang labi: ‘Ngayon ay tinatanaw naman niya ang Jupiter,’ at ‘Inilalarawan niya kung ano ang mayroon sa Saturn,’ at marami pang iba. Marami siyang nasabi tungkol sa mga bagay na ito kumpara sa astronomya ng kanyang panahon, sapagkat hindi nila alam kung may naninirahan sa mga planetang ito; ngunit nakita niya na mayroon nga. Sa Saturn, nakita niya ang butihin at matandang si Enoch, na sinasabing hindi dumanas ng kamatayan kundi inilipat sa lugar na iyon limang libong taon na ang nakakaraan. Ngunit sinabi sa kanya na hindi talaga iyon ang tahanan ni Enoch kundi dumalaw lang roon. Bagkus, siya ay naninirahan sa langit kung saan naroroon ang Diyos; at doon nga ay naghihintay siya sa magaganap na pagsasaayos sa daigdig na maging katulad ng hardin ng Eden. Sinabi pa na ang mga tao sa mga planetang iyon ay lubhang magaganda at malalakas, kumpara sa mga tao dito sa daigdig, sapagkat ang kasalanan ay hindi nakapasok roon.”[2]

Ngunit ang tanong minsan pa: Si Enoch ba ay talagang tumira sa Saturn? Si Ellen White nga ba ay higit na nakakaangat sa Astronomya? Ito ay tila kapanipaniwala noon, subalit ngayon na ang ating siyentipikong kaalaman tungkol sa mga planetang ito ay labis ng maunlad, ngayo’y alam na natin na ang Jupiter at Saturn ay hindi kaaya-ayang tirhan ng mga tao o anumang may buhay. Pansinin mo ang mga sumusunod na puntos:

  1. Ang mga planetang ito ay walang maayos na kalatagan o kalupaan na katulad ng sa ating planeta. Ang ibabaw ng mga planetang ito ay halos karagatan ng hydrogen, na may daan-daang milya ang lalim.
  2. Ang puwersa ng himpapawid ng mga planetang ito ay milyong ulit na nakahihigit sa ating planetang earth. Ang ibig sabihin, ang himpapawid nito ay kayang sumira ng napakatigas na bakal.
  3. Ang temperatura sa mga planetang ito ay lubhang napakalamig: Jupiter:-2340 F (-1450 C). Saturn: -2180 F (-1390 C.)
  4. Napakaraming mga pagsusuri ang ginawa sa mga planetang ito gamit ang makabagong teknolohiya, ngunit wala silang nakitang anumang tanda ng buhay sa mga ito. Walang halaman. Walang mga hayop. Walang matatangkad na mga tao. Walang anumang may buhay na matatagpuan, kundi hydrogen, helium at iba pang tulad nito.

Ang Jupiter ay may APAT na Buwan

Noong 1847, si James at Ellen White ay naglathala ng isang sanaysay na nagsasabing si Ellen ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa mga planeta ng ating Solar System. Ganito ang sinabi,

Sa aming pagtitipon sa Topsham, Maime, noong Nobyembre, si Ellen ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa mga kahangahangang gawa ng kamay ng Diyos. Siya ay inihatid sa mga planeta ng Jupiter, Saturn at sa aking palagay ay mayroon pang isa. Nang matapos niya ang pangitain, nagawa niyang makapagbigay ng malinaw na paglalarawan tungkol sa kanilang mga buwan at iba pa. Alam ng lahat na wala siyang kaalaman tungkol sa astronomya, at hindi niya kayang sumagot ng anumang tanong tungkol sa mga ito, bago niya natanggap ang pangitain.”[3]

Pansinin sa ating sinitas ang sinabi ni James na si Gng. White ay nagbigay ng “malinaw na paglalarawan” tungkol sa mga buwan. At ang paglalarawan ay talagang napakalinaw na anupat naibigay nito ang eksatong bilang ng mga buwan ng Jupiter. Tungkol rito, ang mananalaysay na Adventist na si J.N. Loughborough ay nakipanayam kay Bates tungkol sa paksang ito at narito ang kanyang paglalarawan tungkol sa pangitain:

“Isang gabi, sa lugar ng pagtitipon sa bahay ni G. Curtiss at sa harapan ni Elder Bates, na walang katiyakan tungkol sa pangyayaring ito, si Gng. White, habang nasa pangitain ay nagsimulang magsalita ng tungkol sa mga bituin at nagbigay ng makukulay na paglalarawan tungkol sa malarosas na singsig na kanyang nakitang nakapalibot sa ibang mga planeta. Kanyang sinabi, ‘May nakikita akong apat na buwan.’ At sagot ni Elder Bates, ‘Natatanaw na niya ang Jupiter!’ At habang siya’y kumukumpas ng kamay na para bang lumilipad sa kalawakan, muli siyang nagbigay ng paglalarawan tungkol sa mga tila kulindang at singsing ng mga planeta sa kanilang hindi-nagbabagong kagandahan. Kanyang sinabi, ‘May nakikita akong pitong mga buwan.’ 7 At dito’y malakas na sinabi ni Bates, ‘Ngayon ay inilalarawan na niya ang Saturn.’ Matapos nito, ang sabi niya, ‘May nakikita akong anim na buwan.’ At biglang inilarawan niya ang isang tila ‘bukas na langit’ na napakaluwalhati, at tinawag itong daan tungo sa mga lugar na may taglay na pambihirang kaningningan.”[4]

Kung bubuorin natin ang pangitain ni White, narito ang mga puntos na dapat nating tandaan:

At sa maniwala ka o sa hindi, ang mga bilang na ito ay nagkataong eksaktong bilang ng mga buwan na natuklasan ng mga siyentipiko sa paligid ng Jupiter at Saturn noong taong iyon, 1846. Kung papansinin ang ating sinitas, ang naglimbag ay naglagay ng footnote 7. Ang sabi sa footnote na ito,

“7 Sa Rise and Progress, sinasabi na may nakita siyang walong buwan sa Saturn. Ang pagbabago na ito ay ginawa matapos na ang katibayan ay dumaan sa aking mga kamay. Mula noo’y marami pang mga buwan ang natuklasan sa Jupiter at Saturn.”[5]

Dapat malaman na ang footnote na ito ay nagpapahiwatig na ang mga pangitain ni Gng. White ay binago ng iba sa kalaunan. Ayon sa mga nakasaksi, sinasabi nila na si Gng. White ay may nakitang “pitong” buwan sa paligid ng Saturn. Subalit, ang ika-walong buwan ay biglang natuklasan sa panahon na handa ng ilathala ang aklat ni Loughborough na Rise and Progress.  Ang ibig sabihin, ang mga tagapatnugot o editor ng Adventist ang siyang bumago sa sinabi sa pangitain at ginawa itong “walong” buwan upang umakma sa natuklasan ng siyensya. Tungkol rito ay kinikilala natin ang katapatan ni Loughborough sa pag-amin na ang tunay na bilang na nakita ni Gng. White ay “pito.” At sa loob ng 50 mga taon, ang mga Adventist ay naniniwala na ang ikalawang planeta na nakita ni Gng. White sa pangitain ay ang Saturn.   

Siyentipikong Katibayan
(Wikipedia, 5/2020)

1) "Mayroong 79 na buwan ang Jupiter...Noong January 1610, nakita niya [Galileo] ang apat na malalaking Galilean na buwan...Wala ng dagdag pang buwan na natuklasan hanggang sa matagpuan ni E.E. Barnard ang Amalthea noong 1892...ang Jupiter ay mayroong mala-planeta sa laking singsing..."

2) Ang Saturn ay mayroong 82 na buwan na napatunayang mayroong mga orbits…[ang ika-8 buwan ng Saturn] ang Hyperion, ay natuklasan noong 1848"

3) "Ang Uranus ay mayroong 27 na buwan...kinuhanan ng larawan ng Voyager 2 ang singsing ng Uranus habang ito ay naglalayag noong 1986. Dalawang singsing ang natuklasan pa noong 2005."

 “Maliwanag na Paglalarawan” ng mga Buwan

Minsa’y naisulat ni Gng. White ang ganito,

“Ang siyensya ay laging may natutuklasang mga bagong kamanghamanghang mga bagay; subalit wala siyang anumang naihatid galing sa kanyang pananaliksik, yun ay, kung tama ang kanyang pagkakaunawa, na taliwas o laban sa kapahayagan ng Diyos.”[6]

Subalit dapat makita na ang pahayag na inihatid ni Gng. White ay talagang “taliwas” sa sinasabi ng makabagong siyensya. Kung talagang totoo na ang siyensya ay hindi taliwas sa pahayag ng Diyos, kung gayon, ang sagot lang na masasabi natin tungkol sa pangitain ni Ellen White sa Solar System, ito ay hindi pahayag ng Panginoon! Gaya ng sinabi sa pangitain, si Gng. White ay nakarating sa Jupiter o sa Saturn na doon nga’y nakita niya ang mga “matatangkad at mga dakilang tao.” Subalit ano ang kanyang pagkakamali o nabigong makita? Pansinin mo ang mga sumusunod:

Bakit ang kanyang nakita ay yaong nakita na ng mga Astronomista?

Mahalagang malaman na noong magkaroon ng “pangitain” si Gng. White, taong 1846, karaniwan ng kaalaman noon na ang Jupiter ay may apat na buwan. Ang ikalimang buwan ay natuklasan noong 1892. At noong 1846, inakala na ang Saturn ay may pito lamang na buwan. Subalit ang ika-walong buwan ay agad rin na natuklasan noong 1848. Matapos ang mga tuklas na ito, ang mga naitala tungkol sa “pangitain” ay binago, kung saan ang “pito” ay ginawang “walo.” Ngunit kung tutuusin, walang anumang naipahayag na bagong bagay ang pangitain ni Gng. White na hindi mababasa sa mga aklat ng Astronomya o kaya’y maging sa mga diyaryo noong panahong iyon! Ang malaking pagkakaiba na mayroon sa nakita ni Gng. White at sa mga nakita ng mga astronomista gamit ang kanilang teleskopyo ay tungkol sa mga “matatangkad at mga dakilang tao”!

Ano itong mga Matatangkad at Dakilang Tao?

Habang ang mga mananalaysay na Adventists, na katulad  ni A.W. Spalding, ay patuloy na masigasig sa mga nakita ni Gng. White hinggil sa mga matatangkad na tao sa Jupiter o sa Saturn; subalit matapos ang gitnang bahagi ng ikadalawangpung siglo, na kung saan ang siyensya ay nagsimulang magsabi na ang gayong pangitain ay hindi pwedeng mangyari, ang mga pahayag ni Ellen White tungkol sa mga matatangkad at mga dakilang tao na naninirahan raw sa mga planetang ito ay hindi na nakita sa mga aklat ng Adventist. 

Ang tanong ay, kung ang mga pahayag na ito ay hindi naman talaga nakita ni Gng. White sa kanyang pangitian, saan niya nakuha ang kaisipang ito na mayroong “matatangkad na tao” na naninirahan sa mga planetang iyon? Marahil ay nakuha niya ang ideya na ito mula sa isang Pranses na ang pangalan ay Voltaire. Isa siyang tanyag na may-akda na kilala sa kanyang kwento noong 1752 na pinamagatang Micromegas. Dito ay isinulat niya na ang mga “mamamayan” sa Saturn ay may “di-masukat” na katangkaran.[7]

Lubhang Nasayang na Pagkakataon

Isipin mo ito: kung sinabi sana ni Gng. White kay Bates na ang Jupiter ay may apat na malalaking buwan at may 75 na maliliit na buwan, ang kanyang di-umano’y kaloob na propesiya ay tiyak na mapapatunayang subok at makatotohanan sa lahat ng henerasyon. Yun nga lang, nabigo siyang samantalahin ang magandang pagkakataong ito. Isipin mo rin: paano kaya kung ipinahayag ni Gng. White na ang Jupiter ay mayroong mga mala-singsing na nakapalibot? Dapat malaman na ang kamanghamanghang bagay na ito ay natuklasan lang noong ang Voyager ay pumunta sa Jupiter noong 1979 (na gaya na makikita sa ating larawan). Ang gayong tuklas sana ay napakagandang katibayan para sa kanyang pangitain. Subalit yun nga lang, kahit na sinabi niyang napunta siya sa mga planetang ito at may nakitang mga matatangkad na tao roon, kakatwang nabigo siyang makita ang napakalaking hugis singsing na nakapalibot sa Jupiter.

Kaya’t matapos nating suriin ang kanyang nakita sa pangitain at kung ano ang mga nabigo niyang makita, ang mahalagang tanong ay: Talaga nga bang tumanggap siya ng pahayag mula sa Diyos?

Ano ang TUNAY na layunin ng Pangitain?

Sa pagbungad ng 1846, natagpuan ng mga Whites ang kanilang mga sarili sa hindi kanaisnais na kalagayan. Sila ay salat at naghihirap. Marami na ang naghihinala sa mga pangitain ni Ellen White.  Kaya’t kinailangan nila ang isang taong mayaman at maimpluwensya sa lipunan na mahikayat sa kanilang paniniwala. At pinalad naman silang makakita ng gayong tao sa katauhan ni Joseph Bates. At noon ngang 1846, nagpasya ang mga White na makipagtagpo sa retiradong kapitan ng barko na ito. Subalit, sa umpisa ay hindi naging madali ang kanilang mga paguusap sapagkat bagamat si Bates ay matanda na, ngunit ang kanyang isip ay matalas parin upang pagdudahan ang mga pangitain ni Gng. White. Kaya’t kahit sinikap ng mga Whites na hikayatin ang matandang ito, sila’y nabigo parin. Subalit ng buwan ng Nobyembre, lahat ng paghihirap nila ay naglaho. Sapagkat sa isang maliit na pagtitipon na kasama si Bates at ang ilang natitirang masisigasig na kaanib, si Gng. White ay nagkaroon ng isang natatanging “pangitain” tungkol sa Astronomya, na nagkataon na kinagigiliwang paksa ni Joseph Bates!

Habang si Ellen ay nasa pangitain, ang nagmamasid na matandang si Bates ay walang dudang nakuha ang pansin habang kanyang pinapanood ang labing-siyam na taong gulang na dalaga na kumukumpas-kumpas ng kamay na tila lumilipad sa kalawakan. At habang nakikinig si Bates, inilarawan ni Ellen ang iba’t ibang mga bagay na kanyang nakita sa Solar System at pati narin sa tinatawag na gap in Orion.  Matagal ng pinag-aaralan ni Bates ang gap na ito, lalo’t noong lulan pa siya sa barko habang binabagtas ang timog na bahagi ng daigdig.  Ang Orion ay sikat na paksa noong panahon iyon dahilan sa kalalabas na pagsusuri ni Willaim Parsons gamit ang teleskopyo. Si Bates ay naglathala pa nga ng babasahin na, “The Opening Heavens,” na kung saan ay kanyang isinalaysay rito ang mga tuklas ni Parson. Ngunit tiniyak siya ni Ellen na wala siyang anumang kaalaman tungkol sa astronomya.[8]

Si Gng. Truesdail, na naroroon rin sa pagtitipon ay nagsabi na ang “pangitain” ay nagdulot ng hinahangad na tugon mula kay Bates.  Ang sabi niya,

“Mababanaag sa nakangiting mukha ng kapatid na Bates na ang kanyang mga pagdududa na may kinalaman sa mga nakaraang pangitain ay naglalaho na. Alam natin na si Kapitan Bates ay masigasig na mag-aaral ng astronomya, mahusay niyang ipinaunawa sa atin ang mga elemento sa kalawakan. Kaya’t ng sinagot ni kapatid na White ang kanyang mga tanong, matapos ang pangitain, at sinabing hindi siya kaylanman nakapag-aral o tumanggap ng anumang turo hinggil rito, siya ay talagang labis na natuwa. Kanyang pinuri ang Diyos at ipinahayag ang kanyang paniniwala na ang pangitain na ito tungkol sa mga planeta ay ibinigay upang siya ay hindi na magduda pa.”[9]

Oo, alam ng lahat, pati na ng pamilya White na si Bates ay mahilig sa paksa ng Astronomya. Kaya’t, talagang isang masuwerteng tagpo para kay Gng. White na habang siya ay nasa pangitain tungkol sa Solar System, ang mapagdudang si Bates ay naroroon rin sa pagtitipon. At mula nga ng araw ding iyon, si Bates ay naging tagasunod. At siguradong kanyang hinangad na dumating ang maluwalhating araw na magagawa niyang lumipad patungo sa Jupiter upang makatagpo ang mga “matatangkad at dakilang mga tao” roon.

Mga Sitas

[1] Nagmula sa sulat ni Gng, Truesdail, Jan 27, 1891. Ang sulat ay inilathala sa J.N. Loughborough's "The Great Second Advent Movement, pp. 260-261.

[2] A.W. Spalding, Pioneer Stories of the Second Advent Message, chapter 17, "The Opening Heavens and the Unchanged Law", (1942).

[3] James White, A Word to the Little Flock, p. 22.

[4] Ayon kay Francis Nichol sa kanyang libro na Ellen G. White and her Critics, “walang duda na ibinatay” ni Loughborough “ang tala na ito sa kanyang pakikipanayam kasama si Joseph Bates bago ang mga taong ito.” (pp. 93, 94). Kapansin pansin na si Ellen White ay nagsabing ang Uranus ay may anim na buwan gayong dalawa lamang ang natuklasan noong 1846. Matapos ito, may dalawa pang natuksalan noong 1851 at ang ikalima ay natuklasan noong 1948. At sa pagsusuri sa pamamagitan ng Voyager noong 1986, may natuklasan pang sampung buwan. Walang panahon na ang Uranus ay pinaniniwalaang may anim lang na buwan.

[5] Ibid.

[6] Ellen G. White, Education, p. 128.

[7] Voltaire, Micromegas, translation by Blake Linton Wilfong.

[8] Ang pangungusap na ito ay hango kay Ronald L. Numbers, Ph.D., Prophetess of Health, p. 15.

[9] Truesdail letter, 1891.Tingnan rin ang pangungusap ni Ellen White na nagsasabing, “Si kapatid na J.Bates noon ay hindi pa naniniwala na ang aking mga pangitain ay mula sa Diyos…ngunit ako ay binalot sa pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa kauna-unahang pagkakataon ay natanaw ko ang mga planeta. At ng matapos ang pangitain ko, aking isinaad ang aking nakita. Tinanong ako ni kapatid na Bates kung ako ba ay nakapag-aral ng Astronomya. Sinabi kong wala akong anumang pag-aral hinggil rito. At kanyang sinabi, “Ito’y mula sa Panginoon.” (White, Spiritual Gifts, vol. 2 p. 83)